Mga ka-investor, may bago tayong dahilan para maging proud bilang Pilipino. Narinig n’yo na ba? Ang Hotel101 Global Holdings Corp., subsidiary ng DoubleDragon Corporation, ay opisyal nang listed sa Nasdaq Stock Exchange sa New York—ang unang Filipino-owned at led company na nakapasok sa isa sa pinakamalaking stock markets sa buong mundo!

Naging posible ito matapos ang matagumpay na $2.3 billion na business combination sa isang U.S.-based SPAC (Special Purpose Acquisition Company) na tinatawag na JVSPAC Acquisition Corp.. Sa halip na dumaan sa tradisyonal na IPO process, ginamit nila ang SPAC route—isang mas mabilis at strategic na paraan para makapag-public listing. Ang bagong ticker symbol nila sa Nasdaq ay HBNB, at nagsimula na silang i-trade noong July 1, 2025.

Noong June 27, nagkaroon pa ng ceremonial bell-ringing sa Nasdaq MarketSite sa Times Square. Sa pahayag ng kanilang CEO na si Hannah Yulo-Luccini, sinabi niyang ito ay hindi lang tagumpay ng kanilang kumpanya, kundi ng buong Pilipinas. Aniya, “The Nasdaq listing gives us the global platform and credibility to execute our long-term growth plans.”

Ang modelo ng Hotel101 ay tinatawag na condotel—isang hybrid ng real estate at hospitality business. Nagbebenta sila ng standardized hotel units sa investors, at hati-hati sa kita mula sa pooled rentals. Sila ang bahala sa operations, kaya consistent ang quality ng serbisyo.

Kasalukuyan silang may mga proyekto sa Pilipinas, Japan (Niseko), Spain (Madrid), at U.S. (Los Angeles). At noong 2024, pumasok sila sa isang 10,000-room joint venture sa Saudi Arabia—isang milestone lalo na para sa ating mga OFW na nandito mismo sa Gitnang Silangan.

Ang pangarap nila? Umabot sa 1 million rooms sa mahigit 100 bansa pagsapit ng 2040. Isa itong malaking hakbang para maging global brand ang isang Pinoy hotel chain.

Para sa ating mga OFW investors, magandang abangan ang galaw ng Hotel101. Bukod sa local investments, baka ito na ang pagkakataon para mas mapalawak pa natin ang ating portfolio—at sa global level pa!